EDITORYAL
( Agosto 2021 – Buwan ng Sariling WIKA”)
BAGABAG
Nakakatuwang isipin na ang BAGABAG ay may dalawang mukha at epekto sa ating buhay. Mainam ang bagabag dahil ito ay magbubunsod sa atin upang maging maingat, maging handa at maging bukas sa lahat ng possibilidad sa buhay.
“Nababagabag ako dahil baka hindi ako pumasa”. Ito ay ani ng mag mag-aaral at iba pang may mga pagsubok na eksaminasyon o kwalipikasyon. Mainam ang may bagabag dahil magdudulot ito ng pagplaplano, pagaaral at pagiging handa. Ang pagnanais na pumasa o makakuha ng mataas na marka ay magbubunsod ng ibayong sigla at pagpapakasakit upang makamtan ang ninanais. Ngunit sa isang banda ang iba naman ay sobrang nababahala na nakakalimutan nila kung ano ang dapat nilang gagawin. Imbis na may misyon, parating nauuwi sa konsumisyan at lalong walang natatapos dahil takot sa mga nagbabantang mga pagsubok.
“Nababagabag ako dahil baka ako magkasakit”. Ito ang pangkalahatan at pangkaraniwang bagabag nating nararamdaman dahil sa pandemya. Sa paggising mo sa umaga ay pinakikiramdaman mo na kung may naaamoy ka pa ba o may panlasa pa. Ngayon mo nabibigyan ng halaga na maswerte ka pa pala at may panlasa ka. Iniiwasan mo ang magkaskit, binibigyan mo ng halaga ang wastong pagkain at pagtulog, inaalagaan mo ang sarili sa pamamagitan ng pagsuot ng mask at face shield. Nagiingat ka. Sa isang banda, dahil sa takot mong magkasakit ay hindi ka na makakilos, di ka na makatrabaho o minsan naman ay sobra na ang pakikiramdam mo sa iyong sarili na ikaw ay halos hindi makatulog of makaalis man lang sa iyong lugar.
Marami tayong pagsubok pero ano ang mahalaga? Tamang perspektibo o pananaw sa buhay. Timpladong pagdedesisyon para sa ikabubuti ng sarili at ng mga minamahal sa buhay. Hindi pwedeng matakot at hindi na kumilos. Hindi naman pwedeng hindi magtrabaho o magisip na paraan ng ikabubuhay. Matatapos ba ito? Ang matinding sagot dito ay HINDI. Mawala man ang COVID, may iba naming pagsubok na darating . Tuloy ang daloy ng buhay. Ingatan ang sarili. Pagyamanin ang mga kaalaman at kagalingan sa pamamaraang ligtas. Samantalahin ang pagkakataon upang magaral, matuto ng ibang bagay at lagyan ng ibang kulay ang dating hindi mo manlang ginagawa at pinapansin. Pweden ituloy ang dating hanapbuhay, ngunit ibayong pagiingat para sa sarili at pamilya. BAGABAG… bahagi ito ng ating buhay para manatiling bukas ang ating pagiisip sa pagiging handa at magplano para sa ikabubuti ng buhay.